Now Playing Tracks

buhay proletaryo

DALAWANG UBE PLEASE…

Dalawang daan piso. Para sa pamilya ng siyam na katao.

Si Kuya Sote* ay maghapong nagpapagal sa taniman ng talong na pag-mamay ari ng isang panginoong may lupa na ang pangalan ay Enrico* (di tunay na pangalan). Hindi lingid sa kanya ang nakakabalis na amoy ng kanyang nangangasim na kilikili, may maiuwi lang na pagkain at ulam sa 7 niyang anak at sa kanyang asawang nagbubuntis ng kanilang bunso. Hindi niya alintana ang nakakapasong init ng araw na tumatagos sa kanyang maalat na balat, na tila ay tumutunaw ng unti-unti sa kanyang utak.

Sa halagang dalawang daang piso, binabata niya ang lahat ng ito para lamang may maipanglaman sa sikmura ng kanyang pamilya na naghihintay. Malapit na naman pala ang pasukan, at kailangan niyang makapag ipon ng pambili ng kuaderno, lapis at ballpen para sa kanyang mga anak. Pagtitiyagaan muli ang kupas na uniporme, total, hindi naman lumalaki ang kanyang mga anak dahil na rin sa kakulangan ng nutrisyon.

Para sa hidhid na kagaya niya, ang halaga ng maghapong pagpapagal at pagbabanat ng buto ay dalawang daang piso. Lingid sa kanyang kaalaman, ang kemikal na pestisidyo ay unti unting sumisira sa kanyang baga, na dahilan ng madalas niyang pag-ubo at paninikip ng dibdib. Noong isang taon lamang, namatay ang isa nilang katrabaho dahil sa sakit sa baga. Pero kung tutuusin, mas mahusay na ang ganitong kalagayan, na may trabaho at ipapakain sa kanyang pamilya kaysa naman maghapon siyang magsunog ng atay at baga sa kanilang munting kubo-ganun din naman ang kahihinatnan. Mamamatay din siya sa sakit sa baga, magtrabaho man siya o hindi. Pero mas mamatamisin pa niyang sa pagkasira ng baga niya ay napapakain naman niya ang kanyang pamilya.

Sa loob ng 3 buwan ay magiging ama na naman siya, mabuti na lang at madaming pinaglumaang damit ang kanyang mga panganay na magagamit ni bunso, at sa palagay naman niya ay bibigyan siya ng bonus ni Boss Enrico.

Kapos man sa mga luho sa buhay, maliban sa maghapong pakikinig sa drama sa DZRH at iba pang nakakapangilig butong balita, masaya siya. Masaya silang mag-anak. Sana nga lang ay maipagamot nila si Isang*, dahil kanyang iniinda ang hydrocephalus. Wala naman siyang perang pampagamot. At kailangang unahin ang pangangailangan ng bagong iluluwal na bunso. Sa mapagpalang kamay din sana ng Diyos ay may mag-abot man lang sana ng school supplies sa kanyang anak na 3rd year high school, grade 7, grade 6, grade 4, at grade 3. Sana. Madami namang pulitikong nanliligaw ngayon, baka sakaling maambunan ng grasya.

Β Sapat na para sa ikabubuhay siyam na kumakalam na sikmura ang sumusunod na bilihin sa tindahan o matatagpuan sa kanilang nanlilimahid na kusina:

Appetizer:

Mamimili sa suka, asin o asukal, isang luho ang bagoong, ketchup o Mang Tomas

Soup:

Lumalangoy na noodles sa napakaalat na sabaw na kulay kayumanggi o dilaw, na may nakapanlilinlang na lasa ng manok o baka, pag masuwerte, fortified ang noodles

Main Course:

Bahaw na kanin at tinilad na isda (optional ang isda)

Dessert:

Kapeng barako na may isang kutsaritang asukal

Beverage:

Tubig na tinungga sa posong nangangalawang

Cash Breakdown:

Silver Swan sa doy pack 7 piso (tatagal ng tatlong araw)

Lucky Me! Beef o Chicken 10 piso x 2 x 3 = 60 piso (tatagal ng isang araw)

Daing 40 piso isang tumpok (tatagal ng 2 araw)

Kapeng Barako 30 piso isang kilo (tatagal ng 3 araw)

Bigas 1 kilo 28 x 3 = 83 piso (tatagal ng 2 araw)

Gin Bilog

Fortune na sigarilyo

IKAW NA ANG KUMIKITA NG 200 PISO PARA SA PAMILYA NG SIYAM NA MAGIGING SAMPU SA LOOB LANG NG ILANG BUWAN. MALIGAYANG ARAW NG MANGGAGAWA.

Β 

To Tumblr, Love Pixel Union